Bukas ang Malacañang sa panukalang tatlong buwan extension sa ibinigay na special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagtugon sa COVID-19 crisis sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Pero ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ay depende pa rin sa kongreso.
Aniya, naniniwala siya na kailangang bigyan pa ng 90 araw ang pangulo para tugunan ang health crisis sa bansa.
Pagkatapos nito, titingnan naman aniya kung kakailanganin pa ng additional powers ni Pangulong Duterte nang sa gayon ay ma-extend ang kapangyarihan hanggang Disyembre.
Matatandaang ipinagkaloob ang special powers sa punong ehekutibo na nagbibigay awtoridad na mamahagi ng emergency cash subsidies sa 18 milyong low-income families at mag-reallocate ng government funds para sa COVID-19 response ng pamahalaan.