Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa Malacañang na maglabas ng Executive Order (EO) na nagtatakda ng nararapat na presyo ng karne ng baboy at manok.
Apela ito ni Go sa Malacañang sa harap ng tumataas na presyo ngayon ng pork and chicken products na dagdag pahirap sa mamamayang nagdurusa dahil sa pandemya.
Bunga ito ng kinakapos na supply ng karne ng baboy dahil sa African Swine Fever (ASF) habang minamanipula naman ng mapagsamantalang mga negosyante ang presyo ng manok.
Diin ni Go, umaaksyon ang gobyerno para ito ay tugunan at patunay nito ang pagpapakilos ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa Task Group on Food Security para tutukan ang tumataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura.
Ayon kay Go, para masuportahan ang demand sa bansa ay pinag-aaralan ngayon ng DA na dagdagan ang 54,000 metriko tonelada ng karne ng baboy na inaangkat natin kada taon.
Binanggit din ni Go ang mga programa ng DA, tulad ng pagtatanim ng mga gulay sa iba’t ibang barangay at mga paaralan, pagpapahusay sa agri-fishery production at pinag-ibayong pagbyahe o pagpaparami ng mga baboy sa mga lugar sa bansa na walang ASF.
Pinuri din ni Go ang mga kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maibaba ang taripa na ipinapataw sa mga imported na agricultural products kasama ang mechanically deboned meat ng manok at turkey.