Malacañang, hindi magso-sorry kay Hidilyn Diaz matapos idawit sa ouster plot matrix

Nanindigan ang Malacañang na hindi nila kailangang mag-sorry kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz kahit nakaladkad ang kanyang pangalan sa umano’y tangkang pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang nilabas ang kanyang opisina na anumang matrix o inakusahan si Diaz na pagkakasangkot sa anti-Duterte conspiracy.

“Wala po ano, As spokesperson, wala po akong kahit anong ibinintang kay Hidilyn Diaz,” sabi ni Roque.


Iginiit din ni Roque na wala siyang alam patungkol sa matrix.

“Hindi ko po alam kung ano iyong sinasabi ninyong matrix kasi sa tanggapan ko po at iisa lang po ang opisyal na spokesperson ng gobyerno – ako lang po iyon – eh wala po kaming ganiyan,” anang Palace official.

Noong April 2019, naglabas noon si dating Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ng matrix kung saan iniuugnay ang ilang personalidad, kabilang ang mga abogado at mamamahayag para siraan ang pangulo.

May 2019, naglabas muli si Panelo ng bagong matrix kung saan idinadawit ang Liberal Party at Magdalo Group na nagsasabwatan para patalsikin si Pangulong Duterte, at kasama sa listahan si Diaz at TV host na si Gretchen Ho.

Facebook Comments