Nirerespeto ng Malacañang ang hakbang ng Kongreso na bawiin ang pansamantalang pagtapyas sa imported tariffs sa pork products.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinikilala ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ng mga mambabatas ukol sa tariff adjustments.
Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Kongreso ang may pangunahing hurisdiksyon pagdating sa taripa.
Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 128 na nagpapababa sa import tariff para sa fresh, chilled o frozen pork sa 5-percent mula sa 30% sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV) quota para sa loob ng tatlong buwan.
Ang rate ay tataas ng 10% sa susunod na siyam na buwan hanggang sa makabalik ito ng 30% makalipas ang isang taon.
Ang tariff rate para sa pork imports na lagpas sa quota ay babawasan ang taripa sa 15% mula sa dating 40% sa loob ng unang tatlong buwan.
Ang rate nito ay itataas ng 20% sa susunod na siyam na buwan hanggang sa makabalik ng 40% pagkatapos ng isang taon.