Hindi isasailalim sa ‘full-scale lockdown’ ang bansa.
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng pagsirit sa naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Roque, nasa 60% hanggang 70 % pa ang bakanteng kama sa mga Intensive Care Unit (ICU), isolation facilities at COVID-19 ward sa mga ospital at 77% pa sa mga ventilators ang hindi pa nagagamit.
Aniya, may iba pang paraan para maresolba ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 gaya ng pagsunod sa health protocols, pagsasagawa ng Local Government Units (LGUs) ng localized lockdown at pagpapaigting sa contact tracing at testing.
Samantala, hindi na itutuloy ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang desisyong luwagan ang quarantine restrictions gaya ng pagbubukas ng mga sinehan.
Dagdag pa ni Testing Czar Vince Dizon, kailangan ding pag-aralan ng mga barangay ang muling pagpapatupad sa paggamit ng quarantine pass para sa mga lalabas sa bahay.