Malacañang, iginiit na hindi lang dapat mga Pilipino ang inoobligang magpabakuna sa Hong Kong

Suportado ng Malacañang ang posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi lang dapat mga Pilipino na nagtatrabaho sa Hong Kong ang obligahing magpaturok ng COVID vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagama’t kinikilala ng Pilipinas ang prerogative ng Hong Kong, dapat hindi lamang mga Pilipino ang inobligang magpabakuna.

Aniya, hindi lamang sa Pilipinas umiiral ang equal protection clause ng Bill of Rights dahil maaari itong i-apply sa Hong Kong kaya dapat ay hindi lamang sa mga Pilipino ipairal ang polisiya ng Hong Kong government.


“Sana po huwag i-single out ang ating mga Filipino OFWs, bagama’t we recognize iyong sovereign prerogative na i-require ang bakuna. Let me tell everyone po na we have an early 1905 case na sinustain po ng Korte Suprema ng Pilipinas ang mandatory vaccination against smallpox as forming part and parcel of police powers. Pero pati po ang exercise ng police power, it must be done in a manner na lahat po ng tao eh sasakupin. Huwag naman pong magkakaroon ng singling out,” ani Roque.

Una nang sinabi ni DFA Secretary Teodoro Locsin na dapat lahat ng dayuhang nasa Hong Kong ay atasang magpabakuna sa halip na ipatupad lamang ito sa mga manggagawang Pinoy.

Facebook Comments