Mariing pinabulaanan ng Malacañang na nire-red tag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga eskwelahan.
Ito ang tugon ng Palasyo matapos sabihin ng Pangulo na walang ginawa ang mga unibersidad kundi magprotesta laban sa gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinasabi lamang ng Pangulo na may nangyayaring communist recruitment na nangyayari sa mga eskwelahan.
Iginiit ni Roque, mahalaga sa gobyerno ang pahayag ng mga estudyante pero hindi dapat nila sinasayang ang pera ng taumbayan sa hindi pagtalima sa kanilang school requirements.
Para kay Roque, ang mga estudyante sa state universities and colleges ay hindi katulad ng mga Ateneans na mayayaman at kayang balewalain ang kanilang pag-aaral.
Nilinaw ng Palasyo na walang mali sa mga estudyante na ihayag ang kanilang hinaing laban sa gobyerno pero hindi dapat nila gamitin ang aktibismo bilang excuse para hindi makapag-comply sa academic requirements.
Matatandaang nagbanta si Pangulong Duterte sa mga college students na magkakasa ng strikes at hindi magpapasa ng kanilang academic requirements dahil sa kabiguan ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at mga nagdaang bagyo.