Malacañang, kinondena ang mga insidente ng bullying sa mga paaralan

Mariing kinondena ng Malacañang ang mga insidente ng bullying sa mga paaralan kamakailan kung saan sangkot din ang ilang mag-aaral.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nag-iimbestiga na ang Department of Education (DepEd) at kinausap ang principal ng mga paaralang sangkot para malaman ang buong detalye at maresolba ang insidente.

Dagdag pa ni Castro, pinuntahan na rin ng mga social workers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga sangkot na paaralan, para bigyan ng kinakailangang tulong ang mga estudyante.

Tugon ito ng Palasyo matapos sabihin ni Sen. Sherwin Gatchalian na maituturing na senyales ng krisis ang mga insidente kamakailan ng bullying at pagkamatay ng ilang estudyente, dahil sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.

Kabilang na rito ang pagkamatay ng dalawang senior high school students sa Las Piñas matapos saksakin ng kapwa estudyante, gayundin ang pananaksak ng isang lalaking estudyante sa kaklaseng babae sa Parañaque.

Nauna na ring sinita sa pagdinig ng Senado ang viral video ng isang estudyante na pinagtulungang saktan ng kanyang mga kaklase.

Facebook Comments