Malacañang, kumpyansang matatapos na ang COVID-19 pandemic sa bansa ngayong taon basta’t magtutulungan ang bawat isa

Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na maaari nang matapos ang nararanasang COVID-19 pandemic sa bansa sa pagtatapos ng taong kasalukuyan.

Ito ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Alexei Nograles ay base na rin sa ilang mga kondisyon na dapat masunod upang tuluyang matuldukan ang pandemya.

Kabilang sa mga kondisyong ito ay dapat makamit ng bansa ang 70% na target population ang nabakunahan na pagsapit ng kalagitnaan ng taong 2022.


Target din ng pamahalaan na mabakunahan ang 90 milyong mga Pilipino bago tuluyang bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte o higit pa sa 70% na hinihinging requirement ng World Health Organization (WHO).

Binigyang diin pa ng opisyal na nasa kamay ng bawat isa sa atin ang ikatatagumpay ng laban sa COVID-19 o ang pagtutulungan at kooperasyon kung saan mahalaga ang patuloy na pagtalima sa health and safety protocols.

Giit pa ni Nograles na hangga’t nananatili ang banta ng COVID-19 importante ang pagsusuot ng face mask, palagiang paghuhugas ng kamay, umiwas sa matataong lugar, magkaroon ng maayos na daloy ng hangin o ventilation at bakuna.

Facebook Comments