
Kuntento ang Malacañang sa naging aksyon ng kapulisan matapos ang kaguluhan sa naganap na kilos-protesta sa Maynila.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinatunayan ng mga pulis na handa silang pigilan ang anumang tangkang manggulo habang nananatili sa prinsipyo ng maximum tolerance na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hindi rin aniya nagtagumpay ang mga raliyistang naghasik ng kaguluhan na isakatuparan ang kanilang mga layunin, dahil agad naaresto ang mga lumabag sa batas.
Samantala, ikinagulat naman ng Palasyo ang panawagang pagbibitiw sa puwesto ng Pangulo, gayong siya ang nagbukas ng masusing imbestigasyon laban sa mga maanomalyang proyekto na hindi nabigyang-pansin sa mga nagdaang administrasyon.
Giit ni Castro, walang naging ganitong kalalim na pagsisiyasat noon, at ngayon lamang inilantad ang mga katiwaliang matagal nang nakabaon sa nakaraang pamahalaan.









