Malacañang, lumikha ng Presidential Transition Committee

Inilabas na ng Malacañang ang isang administrative order na lumilikha sa Presidential Transition Committee o PTC.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, inianunsyo ni Executive Secretary Salvador Medialdea na pirmado ng pangulo ang kautusan nitong May 10, 2022.

Ang PTC ang mangangasiwa sa overall and central coordination ng national government at mag o oversee ng lahat ng transition activities ng buong gobyerno.


Titiyakin din nito na lahat ng serbisyo sa publiko ay mananatiling tuloy-tuloy habang naglilipat ng mga tungkulin sa papasok na bagong administrasyon.

Gayunpaman, sinabi ni Medialdea na habang wala pang opisyal na proklamasyon ng mga nanalong lider ng bansa, pansamantala aniyang itinigil muna nila ang pakikipa-usap, pero tuloy-tuloy lamang ang kanilang paghahanda.

Sa ilalim ng A.O 47, sinabi ni Medialdea na inaatasan ang lahat ng ahensiya at kagawaran ng gobyerno na lumikha ng internal o sarili nilang transition committee para sa maayos na pag turnover ng kani-kanilang mga programa at proyekto.

Tiniyak ni Medialdea sa publiko na magpapatuloy ang pagganap nila sa kanilang tungkulin at magkakaroon sila ng maayos at walang ampat na delivery ng serbisyo publiko.

Magsisilbing chairman ng komite si Medialdea, habang miyembro naman nito si Foreign Affairs Secretary Teodory Locsin Jr, Finance Sec. Carlos Dominguez III, Budget Acting Secretary Tina Rose Canda at Neda Director General Sec. Karl Kendrick Chua.

Facebook Comments