Malacañang, mahigpit ang pagbabantay sa posibleng pagputok ng Bulkang Mayon

COURTESY: Joel Rey Lim, Jericho Salas, at Darsy Millena

Nakabantay ang Malacañang sa napipintong pagputok ng Bulkang Mayon.

Sa ambush interview kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Manila Hotel kagabi sinabi nitong sa kabila na nais niyang huwag tuluyang mag alburoto ang Bulkang Mayon, iba aniya ang ipinakikita ng siyensya kaya malaki ang posibilidad ng pagputok nito.

Sinabi ng pangulo, kapag nangyari ito tiyak na disaster talaga ang kalalabasan.


Pero, nakahanda aniya ang gobyerno na tumugon sa magiging resulta nito kung sakali.

Sa kasalukuyan ayon sa pangulo ay inihahanda na ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno ang tulong na kakailanganin ng mga maapektuhan ng pagputok ng Bulkang Mayon.

Prayoridad ayon sa pangulo ay ilikas ang mga residente sa mga lugar na direktang maapektuhan ng pagputok ng Mayon.

Kailangan ding ibigay ang kanilang pangangailangan hanggang muli silang makabalik sa kani-kanilang tirahan.

Samantala, sa sitwasyon naman ng Bulkang Taal, sinabi ng pangulo na hindi naman ito masyadong nagpapakita ng panganib maliban sa pagpapalabas nito ng toxic gas.

Pero, alam naman aniya kung saang direksyon patungo ang ibinubuga nitong gas dahil sa hangin kaya ang mga taong nakatira sa direksyong tinatahak ng hangin ang paiiwasin na lamang sa lugar.

Facebook Comments