
Pumalag ang mga mamamahayag sa Malacañang laban sa mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang Malacañang Press Corps (MPC), mariing itinanggi ang alegasyon na binabayaran ng Palasyo ang mga reporter para itago ang kalagayan ng pangulo.
Giit ng MPC, beripikado at mula sa opisyal na sources ang kanilang mga ulat, at patuloy nilang kinukuwestiyon ang Malacañang tungkol sa usapin.
Pinabulaanan naman ng Malacañang Cameramen Association (MCA) ang paratang na “throwback” ang mga video ng pangulo noong Araw ng Kagitingan.
Anila, tunay at kasalukuyang kuha ang mga ito, na inilabas nang live at walang edit.
Nagbabala rin ang Presidential Photojournalists Association (PPA) sa posibleng kaso laban sa mga gumagamit ng kanilang larawan sa maling konteksto.
Ayon sa PPA, real-time at lehitimo ang lahat ng larawan at dumaan sa tamang beripikasyon at editorial process.
Sa huli, nanawagan ang tatlong grupo sa publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media.










