
Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga special non-working day sa ilang bayan at lalawigan upang mabigyang-daan ang pagdiriwang ng kanilang mga anibersaryo ngayong buwan ng Abril.
Sa ilalim ng Proclamation No. 1200, idineklarang holiday ang Abril 11 sa bayan ng Dolores, Quezon kaugnay ng ika-191 anibersaryo nito.
Sa Proclamation No. 1201 naman, walang pasok sa Abril 27 sa Montalban, Rizal bilang paggunita sa ika-155 anibersaryo ng bayan.
Samantala, sa Proclamation No. 1202, inilipat sa Abril 6 ang holiday sa bayan ng Rizal, Occidental Mindoro. Orihinal itong ipinagdiriwang tuwing Abril 3 ngunit natapat sa Biyernes Santo ngayong taon.
Idineklara rin sa Proclamation No. 1203 ang Abril 7 bilang special non-working day sa Mountain Province para sa kanilang anibersaryo.
Nilagdaan ang mga proklamasyon ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa bisa ng awtoridad ng Pangulo, upang mabigyan ng sapat na oras ang mga residente na makilahok at magdiwang sa mahahalagang okasyon sa kanilang lugar.










