Nanindigan ang Malacañang na ginamit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyensya at mga datos sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at hindi ang “medical populism.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinapatupad ng gobyerno ang mga kongkretong hakbang nito para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kumokonsulta rin ang pamahalaan sa mga health at economic sectors para sa pagbuo ng action plan.
Kabilang ang pagpapalakas ng testing capacity, contact tracing efforts, pagpapaigting ng local health system capacity lalo na sa community isolation at critical care.
“The President, together with the members of the Inter-Agency Task Force (IATF), has met the challenges of COVID-19 head-on, with science and hard data guiding the Chief Executive’s decisions and actions, contrary to the ‘medical populism’ leadership style issue raised by some quarters,” sabi ni Roque.
Dagdag pa ni Roque, ikinokonsidera sa national action plan ang posisyon o pananaw ng ilang stakeholders.
“The national government’s approach is whole-of-government and whole-of-society, where every sector from public health to economics has been consulted, to ensure that the adverse impact of the COVID-19 pandemic is addressed in our National Action Plan,” sabi ni Roque.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Lancet Medical Journal, nasa ika-66 na pwesto ang Pilipinas mula sa 91 bansa sa pagtugon sa COVID-19 bunga ng medical populism.
Bumagsak ang Pilipinas sa kategoryang “moderate transmission” na may 37.5 new infections at 0.5 new deaths per million kada araw para sa buwan ng Agosto.
Ang medical populism ay pagmamaliit sa epekto ng pandemya, pagbuo ng mga madaling solusyon o lunas, pag-spectacularize sa ginagawang crisis response at lumilikha ng dibisyon.