Malacañang, pinag-aaralan ang pagpapatawag ng special session ng Kongreso para ipasa ang COVID-19 measures

Sinisilip na ng Malacañang ang posibilidad na magpatawag sa Kongreso ng special session para maipasa ang mga COVID-19 response at recovery measures na ipapatupad sa mga susunod na mga buwan.

Nabatid na nag-adjourn ang 18th Congress sa unang regular session nito noong June 5.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, batid nila na hindi umabot ang stimulus package at pagpapalawig ng Bayanihan Act.


Sinabi ni Roque na maaaring magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session anumang oras o panahon.

Una nang sinabi ng Palasyo na hindi sinertipikahang urgent ang Bayanihan 2 dahil epektibo pa ang naunang Bayanihan Law hanggang June 25.

Ang 1.3 trillion pesos na stimulus package para tugunan ang economic impact ng COVID-19 ay aprubado na sa pinal na pagbasa sa Kamara.

Nagawa namang mailusot ng Senado sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill 1554 na magbibigay ng 140 billion pesos package para maiangat ang ekonomiya at mapalakas ang COVID-19 testing efforts at healthcare services.

Facebook Comments