
Hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang kapulisan sa pagpapatupad ng batas matapos mailabas ang warrant of arrest laban sa negosyanteng si Atong Ang at iba pa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, malinaw ang utos ng pangulo sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na ipatupad ang batas at pabilisin ang pag-aresto kung may umiiral nang warrant.
Kaugnay ito ng non-bailable na kasong kidnapping with homicide laban kay Ang na iniuugnay sa pagkawala ng mga sabungero.
Giit ng Palasyo, kailangang mapanagot ang mga sangkot at manaig ang hustisya.
Nauna na ring sinabi ni acting PNP Chief Jose Melencio Nartatez na kumikilos na ang iba’t ibang grupo ng pulisya para isilbi ang warrant of arrest kay Atong Ang at iba pang sangkot sa kaso ng missing sabungero.










