Nagpaalala ang Malacañang kina Vice President Leni Robredo at Senate Minority Leader Franklin Drilon na ihinto ang pamumulitika lalo na at malayo pa ang 2022 elections.
Nabatid na pinuna ng dalawang opisyal ang hindi sapat na funding allocation ng pamahalaan para sa pabili ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, higit 70 bilyong piso ang sinisilip na pondo ng pamahalaan na magmumula sa multilateral agencies, domestic banks at bilateral sources.
Dapat aniya alam nina Robredo at Drilon kung paano gumagana ang national budget.
Sinabi naman ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., plano humiram ng pamahalaan ng $1 billion mula sa Asian Development Bank (ADB) at uutang din sa Development Bank of the Philippines (DBP) at Land Bank of the Philippines at iba pang government corporations.
Umaasa ang pamahalaan na ang initial batch ng vaccine supply ay darating sa bansa sa Marso ng susunod na taon at ang karamihan ng bakuna ay dadating ng ikatlong kwarter ng 2021.
Matatandaang plano ng pamahalaan na bumili ng bakuna para sa 60 milyong Pilipino para makamit ang herd immunity.