Kampante ang Malakanyang na maiiwasang makapasok sa bansa ang Indian COVID-19 variant na “double mutant.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ginagawa ng pamahalaan ang lahat para hindi malusutan ang bansa ng Indian COVID-19 variant.
Aniya, ang mga pasaherong dumating sa bansa na galing India at iba pang mga bansa ay obligadong sumailalim sa 14-days quarantine kahit na negatibo sila sa COVID.
Gayunman, aminado si Roque na walang garantiya na hindi makapapasok sa bansa ang “double mutant” dahil malaki ang byahe mula India hanggang Middle East.
Hindi naman kasi aniya maaaring pigilan ang ating mga kababayan na bumalik ng Pilipinas galing sa Middle East.
“Pero sa daigdig na ito po talaga, napakahirap gawin iyan ‘no. Dahil ang sabi nga po ni Dr. Rabi ng WHO, kinakailangan din nating tingnan iyong mga lugar na high traffic, ang bansang India at iyong mga karatig na bansa. At kung titingnan ninyo po iyong pattern ng mga biyahero, ang pinakamalakas na traffic po is between India and the Middle East,” ani Roque.