Malacañang, umaasahang hindi sisipa sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagsapit ng June 30, base sa projection ng UP experts

Umaasa ang Malacañang na di aabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng projection ng mga eksperto sa University of the Philippines na pagdating ng June 30, 2020 na papalo ang COVID-19 cases sa bansa sa 40,000.

Pero, aminado si Roque na posibleng mangyari ang projection ng mga eksperto kaya’t kinunsidera ang kanilang rekumendasyon nang magdesisyon ang pamahalaan na ipanatili sa General Community Quarantine ang Metro Manila hanggang June 30, 2020.


Ayon sa kalihim, ngayong nasa GCQ pa rin ang Metro Manila at magkakaroon ng mga localized lockdowns, umaasa ang gobyerno na hindi aabot sa 40,000 ang COVID-19 cases.

Aniya, nagbabala ang UP experts na kapag nagpatupad ng premature na pagpapaluwag ng COVID-19 restrictions, maaari itong magresulta sa pagsipa ng COVID-19 cases sa 24,000 pagdating ng June 15, 2020 at 40,000 pagdating naman ng June 30, 2020.

Kaugnay nito, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na bukod sa quarantine o lockdown, dapat nang magsagawa ang pamahalaan ng mass testing upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

As of June 15, 2020 nakapagtala na ang bansa ng 26,420 cases, mas mataas pa sa projection ng UP experts sa nasabing petsa.

Facebook Comments