Binigyang diin ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na hindi dapat gamitin ng mga mambabatas ang ipinatawag na special session ni Pangulong Rodrigo Duterte simula bukas, October 13-16 para pagtalunan ang usapin ng Speakership sa Kamara.
Ayon kay Roque, dalang-dala na si Pangulong Rodrigo Duterte sa matinding pulitika sa Kongreso.
Sinabi ng kalihim na walang pinapanigan ang Pangulo o iniendorso sa pagka-House Speaker, dahil ang mahalaga sa kaniya sa ngayon ay maipasa ang 2021 proposed national budget.
Binigyang diin ni Roque na umaasa ang Pangulo sa mga kaalyado nito sa Kamara at sa mga kumikilala pa rin na siya ang lider ng bansa, na uunahin ng mga ito ang kapakanan ng bayan dahil nakasalalay sa 2021 national budget ang stimulus package at COVID-19 response fund.
Kanina, iniluklok ng mayorya ng mga kongresista bilang bagong Speaker of the House si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Pero tulad ng inaasahan, sinabi ni Cong. Alan Peter Cayetano na hindi niya kikilalanin ang nangyaring aktibidad sa Celebrity Sports Plaza at ang pagkakaluklok sa pwesto ni Velasco.
Samantala, walang aasahang public address mamayang gabi si Pangulong Duterte.
Maliban kasi sa long agenda sa full cabinet ngayong hapon ay mayroon pa itong susunod na pagpupulong.