
Tiniyak ng Malacañang na hindi huhupa ang pagtutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga dating opisyal, indibidwal, at kumpanyang nang-abuso sa pera ng bayan.
Ito ang tugon ng Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na tila lumalamig ang interes ng Palasyo sa paghahabol sa mga sangkot sa anomalya sa mga flood control project.
Giit ni Castro, mismong ang Pangulo ang nag-utos na imbestigahan ang mga proyekto, kaya tuloy-tuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga dapat managot.
Binigyang-diin pa niya na marami na ang naisakatuparan ng administrasyon sa loob ng apat na buwan upang habulin ang mga sangkot sa katiwalian.
Hindi titigil ang Pangulo, aniya, hanggang dulo—hanggang makasuhan, mahatulan, at mapanagot ang mga nagpundar ng yaman mula sa kaban ng bayan.
Dagdag pa ni Castro, buo ang suporta ng Pangulo sa pagpapalakas ng puwersa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang mas mapabilis ang paghabol sa mga tiwali.









