
Tuloy na tuloy na ang pagpapatupad ng ₱5 dagdag-pasahe sa Light Rail Transit-1 (LRT-1) sa Miyerkules, April 2.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, gustuhin man ng pamahalaan na hindi matuloy ang fare hike ay may kontrata sila na dapat na sundin.
Kaya naman wala aniyang magagawa ang Malacañang para pigilan ang dagdag-pasahe sa LRT-1 sa kabila ng apela ng ilang grupo.
Paliwanag ni Castro, mas malaking problema ang haharapin ng mga commuter kung hindi sundin ang kontratang pinasok ng gobyerno sa management ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Matagal na aniyang dapat nagtaas ng dagdag pasahe sa LRT pero ipinagpaliban ito at kailangan ding sundin ang naging kasunduan na dapat tuwing dalawang taon ay magtataas sa singil sa pamasahe.
Sa inilabas na fare matrix ng LRMC, ang Stored Value Cards ay magkakaroon ng maximum fare na ₱52, mula sa dating ₱43.
Habang ang minimum fare naman Single Journey Tickets ay magkakahalaga ng ₱20 mula sa dating ₱15.









