Walang nakikitang mali ang Malacañang sa malaking halagang inilalaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) para sa COVID-19 response.
Ang nasabing ospital ay matatagpuan sa Davao City, hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Katuwiran ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang SPMC ang pinakamalaking government hospital facility sa bansa kaya nararapat lamang na mabigyan ito ng malaking alokasyon mula sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth.
Mayroon aniya itong 1,500 bed capacity at 3,600 personnel.
Ang total admissions sa SPMC ay umabot sa 76,586 noong nakaraang taon at nasa 586,278 outpatients.
Mayroon ding integrated specialty buildings ang SPMC tulad ng Heart Institute, Institute for Women and Newborn Care, Orthopedi mc and Rehabilitation Institute, Cancer Institute, Intensive Care Complex at General Medicine and Surgery.
Ang SPMC din ang may pinakamalaking hemodialysis sa bansa na mayroong 65 dialysis chairs.
Dagdag pa ni Roque, naitala sa SPMC ang pinakamalaking halaga ng claims dahil sa kanilang regular provision ng healthcare services sa mga pasyente sa buong Mindanao.
Nabatid na lumabas sa pagdinig ng Senado na ang nasabing ospital ay nakatanggap ng pinakamalaking share ng cash advances mula sa PhilHealth para sa COVID-19 response na nagkakahalaga ng P326 milyon.