Malakañang, muling nagpaalala sa mga presong nakalaya sa ilalim ng GCTA na sumuko na bago matapos ang deadline ni PRRD

Ilang araw bago matapos ang ibinigay na 15 araw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nakalayang preso sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance Law, nagpaalala ngayon ang Palasyo sa mga ito na isuko na ang sarili.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tulad ng una nang inanunsyo ng Pangulo, sa oras na mapaso na ang ibinigay na deadline nito, ituturing ng fugitive o takas ang mga ito at sila ay aarestuhin na.

Base sa tala ng Philippine National Police, sa halos dalawang libong convict na nakalaya sa ilalim ng GCTA law, nasa 435 convicts pa lamang ang sumusuko sa PNP.


September 4 nang ipag-utos ng pangulo ang pagsuko ng mga ito, na magtatapos sa September 19.

Ayon kay Secretary Panelo, hindi sila nababahala sa maliit na bilang na ito. Gayunpaman, mananatili ang pagpapatupad ng kautusan ng pangulo sa oras na matapos ang 15-day deadline nito.

Kaugnay nito, sinabi ni Panelo na wala pang pinal na anunsyo si Pangulong Duterte, kaugnay sa pagpapatong ng isang milyong piso sa ulo ng mga ito.

Facebook Comments