Dumipensa ang Palasyo ng Malakanyang sa mga banat ng kritiko ng Duterte Admin sa umano’y diversion dahil sa ginawang pagbasura ng Pangulo sa Security of Tenure Bill at bumawi sa pagpapahinto sa operasyon ng lotto, STL at iba pang gaming schemes dahil umano’y korapsyon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel & Presidential Spokesperson Salvador Panelo hindi bagong usapin ang End of Contract o ENDO dahil bago pa man maupo sa pwesto ang Pangulong Duterte ay namamayagpag na ang Endo.
Sinabi ni Panelo na hindi naman maaaring ipag utos ng pangulo na ipasara ang mga maliliit na negosyo dahil mas marami ang mawawalan ng trabaho.
Kasunod nito ipinagmalaki naman ni Panelo na maraming na-regular sa trabaho sa termino ng Pangulong Duterte.
Sa datos ng Palasyo, umabot sa 462,428 workers ang na-regular sa trabaho magmula August 2016 hanggang May 2019.