Hinamon ng Malakanyang si Vice President Leni Robredo na maglabas ng ebidensiya na magpapatunay sa sinabi nitong isang masaker ang nangyari sa Calabarzon na ikinasawi ng siyam na aktibista.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, unang-una ay hindi nakita ng Bise-Presidente ang nangyari sa operasyon ng kapulisan kontra sa iligal na pag-iingat ng armas at pampasabog.
Kung mabibigo namang magsumite ng ebidensiya, sinabi pa ni Roque na posibleng maharap si Robredo sa kaso dahil maituturing na kasalanan ang kaniyang sinabi.
Sa ngayon, handa na ang Philippine National Police (PNP) – CALABARZON na humarap sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa madugo nilang operasyon na humantong sa pagkakasawi ng siyam na aktibista.
Pagtitiyak ni Police Lt. Col. Chitadel Gaoiran, Tagapagsalita ng Calabarzon PNP, bukas sila sa pagkwestiyon sa legalidad ng kanilang operasyon.
Habang iginagalang din nila ang hakbang ng CHR na imbestigahan ang nangyari gayundin ang pagkondena rito ni VP Robredo at pagsabing inosente ang mga nasawi.