Manila, Philippines – Nilinaw ng Malakanyang na may mas malalim pang dahilan kung bakit inalis sa puwesto si DILG Secretary Ismael Sueno.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang desisyon ni Pangulong Duterte ay hindi lamang dahil sa confidential memo ng tatlong undersecretaries na nakalaban ni Sueno, kundi nagsagawa rin aniya ng sariling imbestigasyon si Pangulong Duterte.
Sabi pa ni Abella, sa unang bahagi ng cabinet meeting kagabi ay tinanong ni P-Duterte si Sueno hinggil sa mga paratang laban sa kanya pero sa closing remarks na ng Pangulo inanunsyo ang desisyong paaalisin sa Gabinete si Sueno.
Nagkaroon pa aniya ng konting sagutan o palitan ng pahayag sina Sueno at Pangulong Duterte pero hindi naman nagkainitan.
Hindi na rin idinetalye ni Abella kung ano ang sinasabing malalim pang dahilan para alisin si Sueno sa Gabinete.