Manila, Philippines – Binigyang diin ngayon ng Malakanyang na hindi mauulit ang mga pag-abusong katulad sa martial law na ipinatupad noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines o AFP spokesman Brig. General Restituto Padilla sa Mindanao Hour na ginanap sa Palasyo.
Kaugnay ito sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang susunod niyang idideklara na martial law ay magiging katulad o copycat ng martial law ni ex-President Marcos.
Ayon kay Padilla, ang ibig sabihin ng Pangulong Duterte ay ang lawak at lalim ng martial law noong rehimeng Marcos at hindi kasama ang pag-abuso ng militar.
Diin pa ni Padilla, makikita naman sa ipinapatupad na martial law ngayon sa buong Mindanao ang matinding pagrespeto ng militar sa karapatang pantao at pagbibigay proteksyon sa kaligtasan ng mamamayan.