Malakas na konsumo ng mga Pilipino sa asin, ikinabahala ng AnaKalusugan Party-list

Para sa AnaKalusugan Party-list, mahalagang matugunan ng Pilipinas ang panawagan ng World Health Organization o WHO na magpatupad ng mga polisiya para mabawasan ang pagkonsumo sa asin ng mga Pilipino.

Inihayag ito ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes makaraang lumabas na nitong October 2022 ay umaabot na sa 4,113 mg ang dietary sodium intake ng mga tao rito sa Pilipinas na higit pa sa dapat ay kulang sa 2,000 mg of sodium na pwedeng ikonsumo ng isang tao kada araw.

Giit ni Representative Reyes, kailangang itong maaksyunan upang maproteksyunan ang kalusugan ng mamamayan at maiwasan ang tsansa na dapuan ng sakit tulad ng high blood pressure, heart disease, stroke, at maagang pagkamatay.


Bunsod nito ay pinayuhan ni Rep. Reyes ang mga Pilipino na bawasan o untian lang ang inilalagay na asin sa pagkain para maiwasan ang pinsala nito sa kalusuguan.

Kasabay nito ay tiniyak ni Reyes na patuloy na isusulong ng AnaKalusugan Party-list na palaging mabigyang konsiderasyon ang kalusugan ng mamamayan sa paglalatag ng pamahalaan ng mga polisiya lalo na sa paglalaan ng pondo kaugnay sa implementasyon ng universal health care.

Tiniyak din ni Reyes ang patuloy na pagsusulong ng mga panukalang batas na makakatulong sa pagpapabuti sa kalusugan ng mga Pilipino tulad ng libreng medical checkups at pagtanggal ng value added tax sa mga maintenance medicines.

Facebook Comments