Isinulong ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda na ituring na economic sabotage ang malakihang hoarding, profiteering, at cartel ng mga produktong pang-agrikultura.
Kaugnay nito ay plano ni Salceda na maghain ng panukalang mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, sa pamamagitan ng pagdaragdag o pagpapabigat ng parusa na tinukoy sa ilalim ng Section 5 ng Price Act.
Giit ni Salceda, panahon na para magkaroon ng ngipin sa mga probisyon sa Price Act lalo na sa mga agricultural products.
Sa panukala ni Salceda ay papatawan ng habambuhay na pagkakakulong at malaking multa para sa nabanggit na mga paglabag sa batas.
Inihihirit din ni Salceda ang pagbuo ng isang Task Force on Agricultural Hoarding, katulad ng ginawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bigas noong 2018.
Umaasa si Salceda na simulan na rin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na habulin ang mga hoarders, smugglers, at profiteers ng sa gayon may mga masampolan na dito.