Ramdam na rin ng mga magsasaka ng gulay at mga trucker sa Benguet ang malakihang taas-presyo ng langis.
Ayon sa mga magsasaka at trucker, dumoble hanggang naging triple ang gastos sa pagdadala ng mga gulay mula sa farm hanggang sa trading centers at mga palengke simula nang sumiklab ang tensiyon sa Middle East.
Mula sa dating dalawang toneladang truck ng gulay na kinukuha sa Buguias, ang dating ₱4,000 na gastos sa gasolina ay umakyat na sa ₱8,000 sa kasalukuyan.
Partikular na naapektuhan ang Benguet Agri-Pinoy Trading Center, kung saan tumataas ang logistical pressures na nauugnay sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa Middle East.
Sinabi rin ng truckers association na ang kanilang gastos ay tumaas mula ₱15,000 kada biyahe hanggang ₱35,000 mula sa La Trinidad trading centers hanggang Metro Manila.
Ang pagtaas ay maaaring magdagdag ng halos isa hanggang dalawang piso kada kilo ng gulay na ibinibiyahe sa Metro Manila batay lamang sa halaga ng langis.
Dahil dito, binisita ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang mga magsasaka ng gulay, trucker, at mga lokal na opisyal mula sa Benguet, Tinoc, Ifugao, at Bauko, Mountain Province upang tugunan ang problema sa mataas na presyo ng langis.
Sinabi ni Tiu Laurel na inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang fuel subsidy program para sa mga trucker upang makatulong na mapatatag ang delivery at matugunan ang epekto nito sa transporters at mga magsasaka.
