Malaking kakulangan ng mga nurse sa bansa, ramdam na ng mga pribadong ospital

May malaking epekto sa mga pribadong ospital ang kakulangan ng mahigit 100 libong mga nurse sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Benito Atienza, Vice President ng Philippine Federation of Professional Associations na para sa kanilang mga nasa pribadong ospital mahirap tumanggap ng maraming pasyente.

Aniya, hanggang ngayon ay hirap sila na makapag-admit o tumanggap ng mga pasyente dahil kulang sila sa mga nurse, kahit pa may bakanteng mga kwarto naman.


Ayon kay Atienza, ang intensive care unit ay may one is to two ratio ng pasyente at nurse, ibig sabihin sa bawat isang pasyente sa ICU kailangan ay may nakatutok dalawang nurse.

Kapag marami aniyang pasyente silang tinanggap sa ospital pero isa lang naman ang nakatokang nurse, bababa aniya ang kalidad ng serbisyong maibibigay nila sa pasyente.

Dahil dito ay ramdam nila ang kakulangan ng nurse sa bansa ngayon.

Kaya naman patuloy nilang hinihikaya’t ang gobyerno na tugunan ang mga pangangailangan at benepisyo ng mga healthcare workers sa bansa tulad ng nurse para hindi piliin ng mga ito na mangibang bansa na lamang sa halip na dito sa Pilipinas manatili at magsilbi sa mga Pilipino.

Facebook Comments