Cauayan City, Isabela- Muling nakadiskubre ang tropa ng pamahalaan ng panibagong kuta ng mga rebeldeng NPA sa bahagi pa rin ng Brgy. Bural, Rizal, Cagayan.
Kasunod ito ng patuloy na pagsasagawa ng manhunt operation ng kasundaluhan kahapon, Decembner 6, 2020 laban sa mga umatras na nakasagupang rebelde na tinatayang aabot sa higit kumulang 20 katao noong araw ng Sabado, December 5, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay LT. Allen Tubojan, Acting Civil Military Operations Officer ng 17th IB, mas malaki ang natagpuang kampo kumpara sa unang kuta na nadiksubre ng kanilang tropa dahil may lawak itong higit 1-libong metro kwadrado.
Makikita sa pangalawang nakubkob na kuta ang 40 na bunkers, isang (1) social hall at dalawang (2) kusina.
Posibleng ito ang pinaka-kuta ng mga rebeldeng-komunista sa Zinundungan Valley na tukoy na pinagtataguan ng mga NPA.
Nagpapatuloy pa rin sa kasalukuyan ang ginagawang pagtugis ng mga kasundaluhan sa mga tumakas na NPA.
Samantala, nananawagan si LT. Tubojan sa mga nalalabing kasapi ng NPA na magbalik-loob na lamang sa gobyerno upang hindi na maghirap sa loob ng kilusan at wala na aniyang ibang mapupuntahan lalo’t kontrolado na ng militar ang mga lugar sa probinsya.