Manila, Philippines – Kumpyansa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa pamamagitan ng binubuong Department of Disaster Resilience (DDR) ay mas magiging mabilis ang pagtukoy at pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Aniya ang hiwalay na departamentong ito ay tututok ng maayos sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto kaugnay sa paghahanda sa epekto ng kalamidad at patuloy na pag-monitor sa sitwasyon ng mga nasasalanta ng bagyo.
May emergency powers rin ang departamentong ito na mas madali para sa pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng kalamidad.
Bukod sa emergency powers mayroong sariling pondo ang kagawaran na malaking tulong sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Sa kasalukuyan tanging ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na isang bureau ang tumututok sa epekto ng kalamidad na nasa ilalim ng Department of National Defense (DND).
Matatandaan sa ginawang SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte inihayag nito ang kanyang kagustuhang magkaroon ng departamentong tututok sa epekto ng kalamidad.