Manila, Philippines – Naniniwala si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na malaki ang maitutulong ng nalagdaang batas na National ID Law at ang pagpiprisinta sa publiko ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Nograles, personal niyang nasaksihan ang paglagda ng Pangulo sa BOL at sa National ID Law.
Sinabi nito na malaking bahagi ng mga nalagdaang batas na ito ay makakatulong sa buhay, pangangailangan at pangmatagalang kapayapaan lalo na ang mga malalayong probinsya sa Mindanao.
Aniya, ang National ID Law ay halos dalawang dekada na isinusulong habang ang BOL naman ay dumaan sa butas ng karayom bago nailusot sa Kamara.
Pero sa kabila ng napakahabang paghihintay at proseso na pinagdaanan, sa huli ay naipasa rin ang dalawang mahalagang panukalang batas sa ilalim ng Administrasyong Duterte na matagal ding hinintay ng marami.