Cauayan City, Isabela – Huhulihin at kukumpiskahin ang ginamit na paputok, yan ang kakaharapin ng sinumang hindi susunod sa ipinatutupad na batas ng PNP Cauayan kontra paputok.
Ito ang ibinahagi ni Police Chief Inspector Jane Abegail Bautista ng PNP Cauayan sa panayam ng RMN Cauayan News Team noong hapon ng Disyembre 27, 2017.
Ayon sa kanya hindi na maaaring gamiting pampaingay sa bagong taon ang Super Lolo, Whistle Bomb, goodbye earth, atomic, big trianggulo, picholo, Judas belt at iba pang malalakas na uri ng paputok.
Mahigpit din umanong ipinagbabawal ang pagpapaputok ng baril ngayong panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Dagdag pa ni Bautista sa mga Barangay Community Centers na lamang pinapayagang magpaputok at mapailaw ng fireworks alinsunod sa E.O. na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Ikinatuwa naman ni Bautista na magmula ng pumasok ang panahon ng Kapaskuhan ay wala pang naitatalang anumang insidente na may kinalaman sa paputok.