Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Anne Duton, Admin Staff ng CGL Insurance, mula sa mahigit limang libong business establishments sa Lungsod ng Cauayan ay nasa 650 pa lamang ang nakakuha ng nasabing insurance.
Ayon kay Duton, “Third party” lamang ang kino-cover ng nasabing insurance subalit malaking tulong aniya ito sa may-ari ng negosyo ganun din sa mga kliyente.
Inihalimbawa nito na kung sakaling may nangyaring masama o naaksidente sa loob ng pwesto ang isang kliyente ay sasagutin na ng CGL Insurance ang pampagamot o bill nito sa ospital.
Nilinaw ni Duton na ang halaga ng babayaran ng insurance sa pampagamot ng kliyente ay depende sa kinuhang coverage ng business owner.
Ayon pa kay Duton, maaaring kumuha ng CGL Insurance ang mga negosyante na may establisyimentong hindi bababa ng 20 square meters ang lawak.
Isang taon lamang ang maturity ng CGL insurance kaya kada taon ang renewal nito.
Kung sakali namang hindi nakapag-renew ang business owner at nagkataong may masamang nangyari sa customer ay hindi na ito sasagutin ng CGL insurance.