Ibinunyag ni Senador Imee Marcos na hinaharang umano ng Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) ang mala-higanteng mga kumpanya sa bansa sa pagbili ng COVID-19 vaccines.
Batayan ng impormasyon ni Marcos ang hawak niyang balangkas ng administrative order na nakatakdang ipasa at palagdaan kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Hahadlangan ng nabanggit na administrative order ang malalaking mga manufacturer ng tabako, gatas, asukal, soft drinks, at mga alak, gayundin ang mga multinational company na nakabase sa Pilipinas na makatutulong sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Marcos, nakasaad sa Section 5 ng nasabing administrative order na dapat munang masiyasat ng NTF at DOH ang lahat ng kahilingan ng mga pribadong kumpanya sa pagbili ng bakuna.
Ito ay para masiguro na ang mga pribadong kumpanyang ito na magiging parte ng kasunduan ay walang kaugnayan sa kahit anong industriya ng tobacco, mga produktong saklaw ng “National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplement and Other Related Products” o anumang produkto na masama sa kalusugan ng publiko.
Tinukoy ni Marcos ang iniulat ng ilang Chinese newspaper na nakabase sa Binondo na hindi inaprubahan ni NTF Chief Carlito Galvez Jr. ang hiling na makapag-import ng bakuna ang ilang miyembro ng tatlong pinakamalaking Filipino-Chinese Chambers of Commerce.
Ang nasabing ulat ay sang-ayon din sa sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter na hinaharang ang makapag-import ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. ng 500,000 doses ng bakunang mula sa China na Sinovac kahit may kasunduan na.
Giit ni Marcos, ang nasabing administrative order ay salungat sa sinasabing “shared responsibility” at hini-hinging pakikipag-tulungan ng gobyerno mula sa pribadong sektor at iba pang mga organisasyon sa ilalim ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19.