Malalaking kumpanya na balak mag-expand ng negosyo sa Pilipinas, kakausapin ng pangulo sa pagtungo sa Belgium sa susunod na Linggo

Magiging abala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa byahe nito sa Brussels, Belgium sa susunod na Linggo.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Daniel Espiritu na sa unang araw ng pangulo sa Brussels sa December 12 ay magkakaroon muna ito ng pakikipagpulong sa Filipino community roon na tinatayang nasa higit limang libo.

Sa December 13 naman ay makikipagpulong siya sa business sector kasama ang ASEAN members at European Union at ang partisipasyon nito sa 10th EU-ASEAN business summit kung saan siya magsasalita.


Sa December 14 naman o sa mismong araw ng summit ay kasama siya sa maghahayag ng opening remarks, omnibus intervention bilang country head ng delegasyon ng Pilipinas, at magbibigay rin ng kaniyang closing remarks.

Magkakaroon din ng press conference doon at isa ang pangulo sa apat na lider na kasama bilang participants habang sa gabi ay dadalo ito sa gala dinner.

Sinabi pa ni Espiritu na inaasahan din ang one on one meetings ng pangulo sa iba’t ibang malalaking European corporation na gustong magpalawak ng kanilang negosyo rito sa Pilipinas, kabilang na ang Unilever para sa personal products expansion project nila na nagkakahalaga ng 4.7 milyong trabaho.

Mayroon din itong pulong sa isang shipbuilding navigational logistic company na gustong maglagak ng 1.5 bilyong pisong negosyo rito sa bansa at lilikha ng 500 hanggang 600 mga trabaho.

Bukod dito, mayroon din itong pakikipag-usap sa ilang kumpanya para sa infrastructure at renewable energy, at wholesale market para sa intralogistics hub na balak itayo sa Clark, Pampanga.

Facebook Comments