MALALAKING SEMENTERYO SA LUNGSOD NG ILAGAN, TINUTUTUKAN NG PNP

Higit na pababantayan ng City of Ilagan Police Station ang sampung malalaking sementeryo sa Lungsod ngayong Undas 2022.

Sa panayam ng iFM News kay Plt Col Benjamin Balais, hepe ng Ilagan City Police Station, mayroon na aniyang nabuo na TaskForce para sa security coverage sa paggunita ng All Saints Day at All Soul’s Day.

Sinabi nito na meron ng mga nakatalagang personnel sa mga pampubliko at pribadong sementeryo partikular sa sampung malalaking libingan sa Lungsod.

Bawat sementeryo ay mayroong Police Assistance Desk na pupuwesto sa harap o entry point ng sementeryo ganun din sa mga tourist spots, malls at central terminal.

Dito ay mahigpit na ipagbabawal sa mga dadalaw sa sementeryo ang pagdadala ng nakalalasing na inumin, matatalim na bagay, speaker o anumang bagay na nagdudulot ng ingay, gamit pangsugal at paninda.

Nadeployan na rin ang iba pang mga lugar na dinadagsa ng mga tao gaya ng mga tourist destinations, terminals at National Highways sa Lungsod.

Nakahanda na rin ang ilalatag na assistance Hub sa mga highways bilang tulong sa mga mangangailangang motorista.

Tuloy-tuloy din ang kanilang mobile patrolling sa iba’t-ibang bahagi ng Siyudad lalo na sa mga matataong lugar para mabantayan at mapigilan ang anumang masasamang binabalak ng mga kawatan.

Ayon pa kay Balais, tutulong rin aniya ang kanilang force multipliers sa pagbabantay ngayong Undas kung saan nasa 28 groups ang nagvolunteer para tumulong sa

kapulisan sa pagkamit ng maayos, ligtas at payapang paggunita ng Undas.

Hiling din nito sa publiko na magtulungan para magunita ng maayos ang Undas at sumunod pa rin sa minimum public health standard para iwas sa COVID-19.

Facebook Comments