Cauayan City, Isabela- Nadiskubre ng pinagsanib na pwersa ng kasundaluhan at kapulisan ang umano’y imbakan ng mga baril sa Sitio Pili, Brgy Tappa, San Mariano, Isabela.
Limang (5) M16 rifle ang nahukay ng mga awtoridad na maituturing na nasa maayos pang kondisyon at base sa salaysay ng dating mga rebelde na pinaniniwalaang naging armas ito ng mga naunang kasamahan nilang sumuko sa pamahalaan.
Itinuro ng mga ito ang imbakan ng baril di kalayuan sa mga kabahayan sa nabanggit na lugar.
Ayon sa salaysay ng dating mga rebelde na nasa pangangalaga ng 95th Infantry Battalion, ang naturang mga baril ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa muling pagkilos upang makapanghikayat ng bagong mga kasamahan sa grupo.
Sinasabing nagsimula na ang pagbagsak ng RSDG dahil sa halos magkakasunod na engkwentro laban sa tropa ng pamahalaan na ikinasawi ng mataas na kumander na si alyas “Yuni”, dahilan para maging magulo ang kanilang grupo dahil sa pinag-aagawang posisyon sa pag-aasam na makakuha ng malaking halaga ng pera sa taumbayan.
Ang iba naman ay tumakas na dahil na rin sa hirap na sa pagtatago, matinding gutom, talamak na korapsyon at mga di makataong gawain ng mga kadre lalo ang pananakot sa mga inosenteng sibilyan para lamang sila ay patuluyin at bigyan nang makakain.
Ayon kay LTC. Carlos Sangdaan Jr., pinuno ng 95IB, labis ang kanyang pasasalamat sa mga dating rebelde dahil sa kanilang dedikasyon para tuluyan ng matapos ng insurhensiya gayundin sa mga mamamayan dahil sa patuloy nilang pagbibigay ng impormasyon kung kaya’t matagumpay ang kampanya laban sa mga terorista.
Patuloy ang panawagan ng kasundaluhan sa mga natitira pang mga miyembro ng CPP-NPA na bumaba na at bukas ang pamahalaan na sila ay tulungan para sa kanilang pagbabagong buhay kasama ang kani-kanilang mga pamilya.