Mariing kinondena ng Makabayan bloc ang report na tinorture at pinatay ang mag-asawang peace consultants na sina Benito at Wilma Tiamzon kasama ang walong iba pa noong Agosto ng nakaraang taon.
Ayon kay House Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, walang armas na bumibiyahe noon sa Catbalogan City ang mag-asawang Tiamzon at kanilang mga kasamahan nang mahuli sa Samar province.
Naniniwala si Brosas sa report na nakaranas ng malubhang pambubugbog ang mga ito sa kamay umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maliwanag na paglabag sa International Humanitarian Law.
Bunsod nito ay iginiit ni Brosas na imbestigahan ang insidente para matigil na rin ang tinawag niyang trend ng summary execution sa pangkaraniwang indibidwal.
Diin ni Brosas, hindi terorista ang grupo nila Tiamzon taliwas sa pahayag ng Armed Forces of the Philippines.
Sa katunayan ayon kay Brosas, ang mag-asawang Tiamzon ay bahagi ng peace panel noong 2016 hanggang 2017 at aktibong nakiisa sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front.