Mariing kinondena ng Makabayan bloc ang pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa na kilala bilang si Percy Lapid.
Nakapaloob ito sa House Resolution 468 na inihain ng Makabayan bloc sa pangunguna nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s party-list Representative Arlene Brosas at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel.
Sa resolusyon ay iginigiit ng Makabayan Bloc sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong Marcos’ Jr., na agad na maglunsad ng malalimang imbestigasyon at papanagutin ang mga responsable sa krimen.
Hiling din ng grupo sa gobyerno na maglatag at magpatupad ng mga konkretong hakbang upang mapigilan na ang pagpatay sa mga mamamahayag at pag-atake sa “free speech at press freedom.”
Bukod dito ay umaasa ang Makabayan Bloc na kikilos din ang Mababang Kapulungan sa pamamagitan ng House Committee on Human Rights para magsagawa ng pagdinig ukol sa usapin.