Pinamamadali na ng ilang kongresista sa Kamara ang pag-amyenda sa Presidential Decree 910 upang mabigyan ng mas malaking pondo ang kalusugan ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Sa House Bill 7800 na inihain nila Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson at 1-PACMAN Partylist Reps. Eric Pineda at Michael Romero, ay pinapa-amyendahan ang PD 910 para mapayagan na ang Kongreso na i-redirect at magamit ang pondo ng Malampaya sa pagsasaayos at pagpapatayo ng public health care infrastructures sa bansa.
Tinukoy ni Pineda na sa ngayon ay aabot na sa ₱8.6 trillion ang utang ng bansa dahil sa pandemya na doble pa sa ₱4.5 trillion na budget sa 2021.
Iginiit naman ni Lacson na mayroon pang ₱23 billion na pondo ang Malampaya pero ito ay limitado lamang sa oil exploration.
Dahil dito, nanawagan ang mga kongresista kay Speaker Lord Allan Velasco na madaliin ang pagpapatibay sa panukala nang sa gayon ay magamit na sa susunod na taon ang Malampaya fund para sa pagsasaayos ng government health facilities.
Binigyang diin pa ng mga mambabatas na ang kahinaan ng health care system sa bansa at ang nangyaring pandemya ay magsilbing aral para mas bigyang pansin ang pangangailangan ng sektor ng kalusugan.
Samantala, ikinalugod naman ni Health Usec. Rosario Vergeire ang panukala at umaasang maisasabatas ito agad upang maisaayos ang health capacity at makapaghanda ang bansa sa mga sakit at iba pang hamon sa kalusugan sa hinaharap.