Malapag-Tinimbakan Bridge Project patapos na

Halos 100% ng tapos ang konstruksyon ng Malapag-Tinimbakan bridge project na pinondohan ng Provincial Government of Cotabato ng P62M na kumumonekta sa mga bayan ng Carmen at Banisilan*, *Cotabato.

Sinimulan ang pagtatayo ng naturang tulay noong 2013 at mula sa 20% Economic Development Fund ng 2013 ang ginamit sa konstruksiyon sa ilalim ng Serbisyong Totoo program.

Tinatapos na sa ngayon ang road concreting ng bridge approaches na lang ng magkabilang bahagi o ang Brgy Malapag, Carmen (100 meters) at Tinimbakan, Banisilan (150 meters) pati na ang riprap sa ilalim ng tulay kung saan dumadaloy ang ilog ng Maridagao.


Bago itinayo ang naturang bridge, kailangan pang dumaan ng Bukidnon at Lanao del Sur ang mga biyahero mula sa Cotabato upang marating ang Banisilan at umaabot ito ng mula 5-6 na oras na biyahe ngunit sa pagbubukas ng naturang tulay ay abot na lamang sa 1-2 oras ang biyahe ngayon mula Carmen patungong Banisilan.

Malaking pakinabang naman ito sa mga biyahero mula Cotabato at iba pang lalawigan na lalo na ang mga nagdadala ng produkto mula Carmen at Banisilan dahil mas mabilis na ang biyahe at agad nilang made-deliver ang kanilang mga produkto tulad ng palay, mais, prutas, gulay at iba pa.

Ayon kay Gov Emmylou “Lala” J. Taliṅo-Mendoza, walang imposible kung may sinseridad at determinasyon ang bawat isa upang maisakatuparan ang mga prokyektong tulad ng Malapag-Tinimbakan bridge na sa unang tingin ay mahirap mangyari.

Nais ng gobernadora na mapasigla ang komersyo at negosyo sa Banisilan at Carmen sa pamamagitan ng naturng bridge kung saan maging ang mga mamumuhunan sa Bukidnon at Lanao del Sur ay maeenganyong magtayo ng negosyo. *(JIMMY STA. CRUZ-PGO IDCD/Media Center)*

Facebook Comments