Dinagdagan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang ayudang pinansyal na ibinibigay nito sa Malasakit Centers sa anim na ospital ng gobyerno bilang suporta sa mga itinalagang programa ng pamahalaan para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Inaprubahan ni PCSO General Manager Royina Garma ang pang-araw araw na tulong pinansyal para sa Malasakit Centers na itinatag sa mga sumusunod na ospital:
- Lung Center itinaas sa P1 milyon,
- Philippine Children’s Medical Center itinaas sa P400,000,
- Philippine Heart Center itinaas sa P500,000,
- Philippine General Hospital itinaas sa P1.5 million,
- Rizal Medical Center sa P400,000, at
- Taguig Pateros District Hospital itinaas sa P400,000.
Sinabi ni Garma na ang pagtakda ng dagdag na arawang pondo ay magbibigay ng kaukulang kakayahan sa nabanggit na Centers na magkaloob ng medical assistance sa mas maraming pasyente, lalo ngayon na mas malaganap ang naaabot ng COVID-19.
Ang Malasakit Centers ay layuning makapagbigay ng ayudang medikal at pinansyal sa mga pasyenteng nakalagak o ginagamot sa mga ospital na pinatatakbo ng gobyerno. Simula ng maitatag ang Malasakit Centers ay hindi na mabilang ang kahilingan para sa suportang medikal at pinansyal, kung saan karamihan sa mga dumulog ay mula sa kategoryang “indigent” o mahihirap.
Binigyang diin ni Garma na nasa mandato ng kanilang ahensya na magkaloob ng medical assistance sa mga kababayan nating hikahos.
“Ito ang aming pangunahing tungkulin, ang maglikom ng dagdag na pondo para sa pangangailangang medikal ng mga Pilipino. Hindi tayo magpapatinag sa pagsubok na humanap ng epektibong paraan upang makalikom ng kailangang pondo para matugunan ang medical assistance na dapat nating ibigay sa ating mga kababayan,” pahayag ni Garma.