Ikinagalak ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pagkakahirang kay Peace Process Adviser Sec. Carlito “Charlie” Galvez Jr., bilang bagong Kalihim ng Department of National Defense (DND).
Naniniwala si Hataman na ang solido at matagal na karanasan ni Secretary Galvez sa usaping pangkapayapaan ay makakatulong ng malaki sa pagtupad sa kanyang bagong tungkulin, mandato at responsibilidad.
Sa katunayan, ayon kay Hataman, instrumental si Sec. Galvez sa tinatamasa nating kapayapaan ngayon, hindi lamang sa Bangsamoro Autonmous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kundi pati na rin sa buong Mindanao.
Binanggit ni Hataman na bilang Kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, naging epektibo ang mga programang ipinatupad ni Sec. Galvez dahil sa kanyang mahabang karanasan sa kapayapaan.
Tiwala din si Hataman na bilang isang mahusay na sundalo, ay nauunawaan ni Sec. Carlito na ang susi sa kapayapaan ay hindi sa lakas ng puwersa o karahasan dahil mahalaga ang pagtutulungan ng komunidad at lokal na pamahalaan pati na rin ang pagtugon sa ugat ng digmaan.