CAAP, naglagay na ng CCTV sa Air Traffic Management Room

Ikinalugod ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang agad na paglalagay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng CCTV sa Air Traffic Management Center.

Sa pagdinig ng Senado sa naging aberya sa NAIA ay matatandaang ikinabigla ni Zubiri ang kawalan ng CCTV sa kinalalagyan ng air traffic system na siyang itinuturing na napakaselan at napakasensitibong lugar sa paliparan.

Matapos ang araw ng pagdinig ay agad na naglagay kinabukasan ang CAAP ng CCTV sa lugar na naroon ang mga air traffic equipment.


Sa ipinadalang larawan ni CAAP Director General Manuel Tamayo, limang CCTVs ang na-install sa loob ng equipment room kung nasaan naroroon din ang circuit breaker na sinasabing naging dahilan ng aberya sa NAIA noong bagong taon.

Sinabi pa ni Zubiri na maganda sana kung noon pa ay mayroon nang CCTV sa equipment room pero mabuti na ring nahuli kesa wala talaga.

Facebook Comments