Itinutulak ng ilang mambabatas ang pagsasagawa ng Department of Health (DOH) ng malawakang educational campaign tungkol sa COVID-19 vaccines.
Ayon kay House Deputy Speaker Neptali Gonzales, marami sa mga Pilipino ang ayaw magpabakuna dahil kulang sa kaalaman ang mga ito.
Aniya, kung walang magaganap na kampanya, malabong maabot ng pamahalaan ang target na herd immunity kaya’t malaking tulong ito para maging matagumpay ang COVID-19 vaccination program sa bansa.
Mas makakabuti rin na isagawa na ito sa lalong madaling panahon habang naghihintay ang publiko sa pagdating ng mga bakuna.
Samantala, iginiit ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na sinumang indibidwal na kasama sa priority list na tatangging mabakunahan ay hindi na magiging prayoridad ng pamahalaan.
Kailangan lamang ng mga ito na pumirma ng waiver bilang katunayan na hindi nito tinaggap ang slot na bigay ng gobyerno at hintayin na lamang kung anong brand ng bakuna ang maaari nitong matanggap.